Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema nitong Sabado na ibasura ang petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Sa isinumiteng 83-pahinang komento sa ilalim ng G.R. No. 278747, sinabi ng OSG na walang sapat na basehan ang “Urgent Manifestation with Omnibus Motion” at “Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion” na inihain ni dela Rosa kaya dapat itong itanggi ng Korte Suprema.
Nauna nang dumulog si dela Rosa sa Supreme Court upang humingi ng judicial relief bago pa umano kumilos ang executive department sa pagpapatupad ng arrest warrant mula sa ICC.
Humiling din ang senador ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng warrant of arrest na inilabas ng ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity for murder na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si dela Rosa, na dating hepe ng Davao City Police at kalaunan ay naging pinuno ng Philippine National Police (PNP), ay kabilang sa mga iniimbestigahan dahil sa umano’y mga paglabag sa panahon ng drug war.
Gayunman, hindi naglabas ng TRO ang Korte Suprema. Sa halip, inatasan nito ang mga opisyal ng gobyerno na magsumite ng komento hinggil sa petisyon ni dela Rosa laban sa pagpapatupad ng ICC arrest warrant.
Matapos ang naging aksyon ng SC, muling hindi nakita sa Senado si dela Rosa. Bago ito, anim na buwan siyang hindi dumalo sa Senado matapos lumabas ang balitang may arrest warrant laban sa kanya. Muli lamang siyang nagpakita upang bumoto sa pagpapalit ng liderato sa Senado bago muling mawala sa publiko.










