--Ads--

Tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng konstruksyon sa dalawang pangunahing tulay ng Lungsod, ang San Pablo–Sta. Luciana All Weather Bridge at Mabantad–Cabaruan Bridge, na may kabuuang pondong dalawang bilyong piso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Bagnos Maximo, sinabi niya na maraming mga infrastructure projects ang kasalukuyang ginagawa sa Lungsod ng Cauayan. Maliban sa mga tulay, kabilang dito ang mga ongoing road constructions at road reblocking.

Aniya, ang mga proyekto ay tinututukan ng DPWH katuwang ang City Engineering Office, lalo na sa mga kailangan o itinakdang specifications ng mga proyekto.

Nilinaw naman niya na hindi masasaklaw ng City Engineering Office ang pag-imbestiga sa anumang proyekto kung walang matatanggap na reklamo, at kung mayroon man ay beberepikahin muna ito ng opisina.

--Ads--

Sa ngayon, tiniyak niya na maayos ang isinasagawang mga proyekto.

Samantala, may ilang drainage projects pa na nakatakdang ayusin ng City Engineering Office dahil sa pangangailangan na maidivert ang mga kanal dulot ng mga naglalakihang gusali na sumusulpot sa Lunsod.

Ilan sa mga lugar na may drainage projects ay ang Barangay San Fermin, Alicaocao, Cabaruan, District 3 at District 1.

Kaugnay nito, kasalukuyan din ang mga proyekto para makapaglagay ng mga street lights at mapailawan ang mga inner barangay roads hanggang sa mga pangunahing kalsada sa buong Lunsod.

Ayon kay SP Member Maximo, bagamat inaasahang ilan sa mga ito ay tuluyang mailalagay bago matapos ang taon, aminado siyang marami-rami pa ang mga lugar o area sa Lunsod na kailangang mabigyan ng sapat na pailaw.

Para maisakatuparan ito, mangangailangan aniya ang City Engineering Office ng karagdagang pondo mula sa Pamahalaan.