Isang residential house ang tuluyang natupok sa naganap na sunog sa Purok 2, Brgy. Homestead, Bambang, Nueva Vizcaya nitong hapon ng Mayo 24.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Marlon M. Attaban, Chief Administrative Section ng Bureau of Fire Protection Bambang, Nueva Vizcaya, sinabi nito na dakong alas-4:41 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa concerned citizen na si Joanalie Agoda hinggil sa nangyayaring sunog sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga bombero at nakarating sa lugar dakong alas-4:45 ng hapon bago isinagawa ang firefighting operation.
Idineklarang under control ang sunog alas-4:55 ng hapon habang tuluyang naapula ang apoy eksaktong alas-5 ng hapon.
Ayon kay SFO2 Attaban, isang one-storey residential building na yari sa konkretong pader ngunit may mezzanine at mga silid na gawa sa light materials ang tuluyang naabo sa sunog.
Ang nasunog na bahay ay pag-aari ni Lydia Rotonda Macaroy habang bahagya namang nadamay ang katabing bahay na pag-aari ni Romy Rotonda Balatada kung saan kisame lamang umano ang naapektuhan.
Batay sa paunang imbestigasyon, hindi naman naging mahirap ang pagresponde ng mga bombero dahil may maayos na daanan patungo sa lugar at hindi rin dikit-dikit ang mga kabahayan.
Nabatid na nasa labas umano ng bahay ang may-ari nang maganap ang sunog habang nasa trabaho naman ang kanyang mga anak kaya’t wala umanong tao sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente.
Ayon pa sa BFP, nagtulong-tulong din ang mga residente sa lugar at nagsagawa ng pagbabalde ng tubig upang mapigilan ang pagkalat ng apoy subalit mabilis itong kumalat dahil marami umanong kahoy at light materials sa loob ng bahay.
Tinatayang nasa P250,000 naman ang halaga ng pinsala sa naturang sunog.
Sa ngayon ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.









