Posibleng muling tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas o LPG sa mga susunod na linggo sa kabila ng kasalukuyang rollback na ipinatupad ng ilang LPG companies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robinson Calderon, isang LPG dealer sa lungsod, sinabi nitong batay sa abisong natanggap nila mula sa ilang LPG brands, maaaring magkaroon ng dagdag-presyo na aabot sa ₱3 kada kilo pagsapit ng Hulyo 17.
Ayon kay Calderon, pangunahing dahilan ng inaasahang pagtaas ang ipinatutupad na dagdag na buwis o tax sa LPG.
Sa kasalukuyan, nakikinabang muna ang mga mamimili sa ₱12 kada kilo na rollback, dahilan upang bumaba ang presyo ng ilang LPG products. Sa ngayon, nasa ₱1,050 na lamang ang pinakamababang presyo ng isang tangke, habang nasa pagitan ng ₱1,250 hanggang ₱1,350 ang pinakamataas na halaga, depende sa brand at laki ng tangke.
Gayunman, nilinaw ni Calderon na may ilang LPG brands na hindi pa agad nakapagpatupad ng ₱12 rollback dahil ang kanilang mga stock ay nabili pa noong mataas ang presyo ng LPG. Aniya, kailangan munang maubos ang mga naturang suplay bago maipatupad ang mas mababang presyo.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga mamimili na asahan ang posibleng pagbabago sa presyo ng LPG sa mga susunod na linggo at makipag-ugnayan sa kanilang mga dealer para sa pinakabagong presyo.










