--Ads--

Inihayag ni House Committee on Justice Vice Chairperson at Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na dapat managot at maparusahan ang mga may-ari ng baril kung magagamit ito sa krimen dahil sa kanilang kapabayaan.

Iginiit ni Garbin na ang isang baril na hindi maayos na naitatago o nababantayan ay hindi lamang pribadong usapin kundi isang panganib sa publiko. Dahil dito, iminungkahi niyang ituring ang mga pabaya na gun owner sa parehong paraan ng pagtrato ng batas sa mga rehistradong may-ari ng sasakyan kapag nasasangkot ang kanilang mga sasakyan sa krimen.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang prinsipyo ay nakabatay sa pananagutan ng taong may kontrol sa isang mapanganib na kagamitan. Aniya, tulad ng sasakyan, ang baril ay isang mapanganib na instrumento kaya may kaakibat itong obligasyon na tiyaking hindi ito magagamit sa ilegal na gawain.

Ginawa ni Garbin ang pahayag kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante.

--Ads--

Binigyang-diin niya na hindi dapat mauwi lamang sa pagluluksa ang naturang trahedya kundi magsilbing daan upang maisulong ang mga repormang makatutulong na maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Nanawagan din si Garbin sa kanyang mga kapwa mambabatas, mga law enforcement agency, at sa publiko na suportahan ang kanyang panukala upang mapalakas ang proteksiyon at hustisya para sa mga kabataan.

Ayon pa sa kongresista, bagama’t hindi na maibabalik ng anumang batas ang mga nasawi, maaari namang gumawa ng mga hakbang upang hindi na muling maranasan ng iba pang pamilya ang kaparehong trahedya. Aniya, dapat magsilbing hudyat ang insidente upang kumilos ang bansa at paigtingin ang pananagutan sa pagmamay-ari ng mga baril.