Hindi ang pagbaba ng edad ng criminal liability kundi ang mahinang pagpapatupad ng umiiral na batas ang dapat tutukan ng pamahalaan kasunod ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang kamakailang pamamaril na kinasangkutan ng mga estudyante sa Tacloban City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional expert, sinabi niya na hindi ang pagbaba ng edad ng criminal liability kundi ang mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na batas ang dapat pagtuunan ng pansin kasunod ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Aniya, may mga mekanismo na sa ilalim ng batas upang mapanagot ang mga kabataang nasasangkot sa seryosong krimen sa pamamagitan ng intervention, diversion, at rehabilitation programs. Sa halip na baguhin agad ang batas, dapat tiyakin ng pamahalaan na may sapat na pondo, pasilidad, at tauhan para sa mga programang ito.
Binigyang-diin din niya na ang minimum age of criminal responsibility ay nakabatay sa mga pag-aaral at internasyonal na pamantayan. Dagdag pa niya, mahalagang tugunan ang mga ugat ng karahasan sa kabataan tulad ng kakulangan sa gabay ng magulang, bullying, impluwensya ng social media, at iba pang salik sa lipunan upang maiwasan ang pagdami ng mga katulad na insidente.











