--Ads--

Nakapagtala ng malaking pagtaas sa paggamit ng digital fund transfer services ang mga bangko at e-wallet provider matapos ibaba ang kanilang transfer fees, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, tumaas ng 10% hanggang 50% ang bilang ng digital fund transfer transactions batay sa paunang ulat na natanggap mula sa mga financial institutions.

Sinabi ni Tangonan na magsasagawa pa ang BSP ng mas komprehensibong pagsusuri sa katapusan ng buwan upang lubos na masukat ang epekto ng pagbaba ng transfer fees sa paggamit ng digital payment services.

Ayon sa BSP, layunin ng hakbang na hikayatin ang mas maraming Pilipino na gumamit ng digital payments at mapalawak ang access sa mga serbisyong pinansyal, lalo na para sa mga hindi pa bahagi ng formal financial system.

--Ads--

Dagdag pa ni Tangonan, isa sa mga pangunahing hadlang sa pagbubukas ng account at paggamit ng digital financial services ay ang mataas na bayarin sa paglilipat ng pera. Dahil dito, inaasahan ng BSP na ang mas mababang transfer fees ay magpapataas ng paggamit ng digital transactions at magpapalawak ng financial inclusion sa bansa.