Nagbabala ang Cauayan City Water District (CCWD) sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig sa mga susunod na buwan, bunsod ng inaasahang epekto ng El Niño.
Ayon kay Engr. Manolito Supnet, District Manager ng CCWD, sa kasalukuyan ay sapat pa ang suplay ng tubig sa lungsod. Gayunman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang paghahanda upang maiwasan ang mas matinding epekto sakaling lumala ang sitwasyon.
Ipinaliwanag ni Engineer Supnet na maaaring makaranas ng kakulangan sa tubig kung magpapatuloy ang matinding init at kakulangan ng ulan, na posibleng magdulot ng pagbaba ng lebel ng tubig sa mga pinagkukunan tulad ng deep wells at iba pang water sources ng distrito.
Kapag nangyari ito, maaaring humina ang water pressure sa ilang lugar at posibleng magpatupad ng rotational water service o limitasyon sa distribusyon upang masiguro ang sapat na suplay para sa mas maraming residente.
Bagama’t hindi pa nararanasan ang kakulangan sa ngayon, mahalagang magsimula na ang pagtitipid sa tubig.
Kabilang dito ang pag-iwas sa pag-aaksaya at paggamit lamang ng sapat na dami para sa pang-araw-araw na pangangailangan.











