--Ads--

Inihayag ng testigong si Roderick Wamil, dating auditor ng Commission on Audit (COA), na walang probisyon sa umiiral na mga patakaran na nagbabawal sa paggasta ng ₱125 milyong confidential funds sa loob ng 11 araw.

Sa pagdinig ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, kinumpirma ni Wamil sa cross-examination na walang nakasaad sa Joint Circular No. 2015-01 na ipinagbabawal ang paggastos ng naturang halaga sa loob ng 11 araw. Aniya, ang tanging itinakda sa circular ay ang paglilimita sa cash advances batay sa tatlong buwang pangangailangan.

Ipinaliwanag din ni Wamil na dahil dito, ang isyu ng 11-araw na paggasta ay isinama lamang sa Audit Observation Memorandum (AOM) at hindi sa audit findings.

Si Wamil ang nagsagawa ng audit sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 hanggang 2023. Bahagi ng unang article of impeachment laban kay Duterte ang alegasyon ng maling paggamit at kuwestiyonableng liquidation ng confidential funds.

--Ads--