Nagbabala ang mga awtoridad sa Santiago City kaugnay sa patuloy na panganib sa mga highway crossing, partikular sa mga lugar kung saan nagtatagpo ang national roads, municipal roads, at city roads.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nito na nananatiling pangunahing suliranin ang mga motoristang hindi bumabagal o tuluyang humihinto sa mga tawiran o pedestrian lane.
Dahil dito, nalalagay sa panganib ang ibang gumagamit ng kalsada.
Binigyang-diin ni Aggabao na marami pa ring motorista ang dumediretso sa mga crossing, dahilan upang malagay sa alanganin ang kaligtasan ng publiko.
Kaugnay nito, pinag-aaralan ngayon ng mga awtoridad ang paglalagay ng speed bumps sa mga naturang lugar upang mapilitang magmabagal ang mga sasakyan at mabawasan ang posibilidad ng aksidente.
Dagdag pa niya, kinakailangan ang masusing koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), City Engineering Office, at Land Transportation Office (LTO) upang maipatupad nang maayos ang nasabing hakbang.
Samantala, muling nanawagan ang opisyal sa publiko na pairalin ang disiplina sa pagmamaneho, igalang ang kapwa motorista, at mag-ingat sa pagdaan sa mga tawiran.











