Inihayag ng isang auditor ng Commission on Audit (COA) na nilabag umano ng Office of the Vice President (OVP) ang umiiral na mga patakaran sa confidential funds nang ipag-utos ni Vice President Sara Duterte ang paglilipat ng cash advance sa kanyang dating security chief.
Sa ika-14 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) State Auditor Xylene del Campo na labag sa Joint Circular 2015-01 ng COA at Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapasa ng cash advance mula sa OVP Special Disbursing Officer na si Gina Acosta kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) head Col. Raymund Dante Lachica.
Ayon kay Del Campo, malinaw sa Item 6.1.1 ng joint circular na hindi maaaring ilipat ang cash advance mula sa isang accountable officer patungo sa iba.
Batay aniya sa naging pahayag ni Acosta sa pagdinig ng Kamara, isinagawa ang naturang paglilipat alinsunod sa direktiba ni Duterte, bagay na itinuturing niyang direktang paglabag sa patakaran.
Dahil dito, naghanda si Del Campo ng notice of disallowance matapos suriin ang mga liquidation documents at mga paliwanag na isinumite ng OVP.
Bukod sa isyu ng paglilipat ng pondo, sinabi rin ng auditor na hindi pinayagan ng COA ang P261 milyong bahagi ng confidential funds dahil umano sa kakulangan ng mga dokumentong magpapatunay sa tagumpay ng mga isinagawang intelligence at surveillance activities.
Matatandaang sa notice of disallowance na inilabas ng COA noong Marso 2026, pinanagot si Duterte at tatlo pang opisyal kaugnay ng P375 milyong confidential funds ng OVP noong 2023 na umano’y kulang sa kaukulang dokumentasyon at ebidensiya ng mga nagawang operasyon.
Kabilang sa mga tinukoy ng COA na may pananagutan sina Gina Acosta, OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey, at Col. Lachica.











