--Ads--

Nangangamba ang isang constitutional law expert na maaaring maantala ang pag-convene ng Senado bilang impeachment court matapos ang pagpapalit nito ng liderato kahapon, May 12.

Matatandaan na pinalitan ni Sen. Alan Peter Cayetano si Sen. Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President matapos itong mapatalsik sa botong 13-9 pabor kay Cayetano.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi nito na ang bagong liderato ng Senado ay hayagang kumokontra sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na maaaring magtulak sa mga ito na humanap ng dahilan upang hindi matuloy ang trial.

Dahil sa naging pangunahing paksa sa debate noong nakaraang taon ang salitang “forthwith” sa pagsasagawa ng trial matapos matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, nilinaw ni Atty. Yusingco na ang naturang salita ay nangangahulugang simulan ang trial “on a reasonable time” nang may pag-iwas sa mga unreasonable delay.

--Ads--

Samantala, kasabay ng pagpapalit ng liderato ng Senado, maaari umanong malibing na sa limot ang Blue Ribbon Committee Report na may kaugnayan sa imbestigasyon sa maanomalyang flood control project sa bansa. Gayunpaman, nakadepende pa rin sa magiging bagong chairman ng naturang komite kung maipagpapatuloy ang mga naunang imbestigasyon.

Nilinaw naman niya na kahit malibing sa limot ang imbestigasyon sa loob ng Senado ay maaari pa ring maimbestigahan ang mga sangkot dito lalo na ang mga nadadawit na mga senador dahil nagsimula na rin naman ang imbestigasyon ng Ombudsman hinggil dito.

Maaari rin umanong ma-delay ang legislative agenda ng kasalukuyang administrasyon lalo na kung magiging uncooperative ang Senado na pwedeng makaapekto sa ilang mga tungkulin ng gobyerno.