--Ads--

Nilinaw ng Liga ng mga Barangay o LNB ang pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo ng Bawat Barangay Makikinabang o BBM Scholarship Program ng pamahalaan matapos makatanggap ng iba’t ibang reklamo hinggil sa pagpili ng mga scholar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LNB National President Maria Katrina Jessica Dy, sinabi nitong unang ipinatupad ang programa noong Marso 2026, subalit nitong Hulyo lamang inilbas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Memorandum Circular No. 2026-038 na naglalaman ng mga pamantayan sa pagpili ng mga benepisyaryo.

Ayon kay Dy, kabilang sa pangunahing kwalipikasyon ang pagiging fourth-year student at pagiging kabilang sa mga pamilyang naapektuhan ng krisis na dulot ng tensiyon sa Middle East, gaya ng mga anak ng Overseas Filipino Workers o OFWs at transport drivers.

Maaari ring maging kwalipikado ang mga estudyanteng kabilang sa indigent families, at risk na mapilitang huminto sa pag-aaral, o miyembro ng pamilya na wala pang college graduate.

--Ads--

Kung higit sa lima ang pasok sa mga itinakdang criteria, grado ang magiging batayan at pipiliin ang limang may pinakamataas na marka.

Maaari rin aniyang magsagawa ng draw lots kung pare-parehong kwalipikado ang mga aplikante, basta’t isasagawa ito nang malinaw at transparent.

Pinayuhan naman ni Dy ang mga estudyanteng may concerns sa pagpili na unang makipag-ugnayan sa kanilang barangay upang maresolba ang isyu bago magsampa ng reklamo sa mga kinauukulan kung may nakitang paglabag.

Ayon pa kay Dy, halos araw-araw silang nakatatanggap ng reklamo hinggil sa programa, na kanilang tinutugunan.

Muli namang hinikayat ni Dy ang mga barangay officials na mahigpit na sundin ang mga umiiral na panuntunan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan upang matiyak ang transparency at maiwasan ang mga reklamo.