Hustisya ang sigaw ng pamilya ng lalaking biktima na brutal na pinaslang at itinapon sa isang creek sa Barangay Casat, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang biktima na si Jay Lopez, nasa hustong gulang, rehistradong residente ng Cauayan City ngunit nanirahan sa Solano, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JonJon Lopez, kapatid ng biktima, hindi niya maatim na tingnan ang bangkay ng kanyang kapatid sapagkat durog umano ang kalahating mukha nito. Aniya, hindi aakalain ng ordinaryong tao na crime scene ang lugar kung saan natagpuan ang kanyang kapatid, sapagkat maaliwalas umano rito, at may malalapit na kabahayan.
Panawagan niya na sana ay ma-konsensya at mapanagot na ang suspek sa karumal-dumal na pag-paslang sa kanyang kapatid.
Samantala, ayon naman sa pinsan ng biktima na hindi na pinangalanan at nakausap mismo ng Solano Police Station, sinabi sa kanya na may natagpuan na dalawang bato na balot ng dugo at hinihinalang ginamit sa krimen.
Dagdag niya, noong Disyembre ng nakaraang taon pa nagpapahiwatig ang biktima na may mangyayaring masama umano sa kanya. Hiling umano ng biktima na sa Cauayan City siya ihihimlay at hindi sa Palanan, Isabela.
Inilarawan ng pamilya ng biktima na mabait at walang kaaway, kung kaya’t hindi nila maisip kung sino ang gumawa nito sa kanya.
Patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng pamilya sa kapulisan, pati na rin ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen. Mayroon nang persons of interest at posibleng tetestigo ang dalawang nakakita sa krimen.









