Aabot sa 5,000 pesos na ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development ang ipinamahagi ngayong ika-22 ng Mayo sa Cauayan, kung saan mga tricycle drivers ang pangunahing benepisyaryo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Renato Garcia Jr., tricycle driver, sinabi niya na malaking tulong umano ang natanggap nilang ayuda lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at araw-araw na gastusin.
Aniya, sa kanilang kita bilang tsuper, halos kalahati o higit pa ang napupunta lamang sa krudo kaya kapos na kapos na ang natitirang kita para sa pamilya.
Dagdag pa niya, gagamitin ang naturang ayuda sa pagbili ng pagkain, school supplies ng mga anak, at iba pang pangunahing pangangailangan sa bahay.
Samantala, nanawagan din ang ilang benepisyaryo ng maayos at organisadong pamamahagi ng ayuda upang maiwasan ang matagal na pila at aberya, lalo na at may mga pagkakataong hindi agad natatagpuan ang kanilang pangalan sa listahan noong mga nakaraang distribusyon.
Sa kabila nito, taos-puso ang pasasalamat ng mga tricycle drivers sa pamahalaan sa patuloy na pagtulong sa kanila sa gitna ng hamon ng kabuhayan.










