Bibiyahe ngayong araw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong United Arab Emirates (UAE) upang lumahok sa Abu Dhabi Sustainability Week at saksihan ang pagpirma ng mga kasunduan sa kalakalan at depensa sa pagitan ng Pilipinas at UAE.
Ito na ang ikalawang pagbisita ni Marcos sa UAE bilang Pangulo. Sasamahan siya ni First Lady Liza Marcos at ilang miyembro ng Gabinete kabilang sina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, Finance Secretary Frederick Go, Trade Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Makikipagpulong si Marcos sa iba pang mga pinuno ng estado upang talakayin ang mga isyung may kinalaman sa enerhiya, tubig, pananalapi, pagkain, at kapaligiran.
Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, ang pagbisita ng Pangulo ay alinsunod sa imbitasyon ni UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan. Gaganapin mula Enero 11 hanggang 15, ang Abu Dhabi Sustainability Week ay nagtitipon ng mga lider mula sa pamahalaan, negosyo, at lipunan upang itakda ang susunod na yugto ng sustainable development.
Inaasahang saksihan ng Pangulo ang pagpirma ng Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) — ang kauna-unahang kasunduan ng Pilipinas sa isang bansang nasa Gitnang Silangan — at isang memorandum of understanding (MOU) sa defense cooperation na magsisilbing pundasyon para sa pagpapaunlad ng defense technologies ng bansa.






