--Ads--

Nanawagan si US President Donald Trump sa Kongreso na maglaan ng karagdagang pondo para sa malawakang modernisasyon ng air traffic control system ng bansa matapos ang malawakang pagkaantala at pagkansela ng mga biyahe ng eroplano sa Estados Unidos.

Naganap ang nationwide ground stop noong Biyernes, Nobyembre 13, matapos makaranas ng problema sa komunikasyon ang mga regional air traffic control center ng Federal Aviation Administration o FAA.

Dahil dito, pansamantalang pinahinto ang paglipad ng mga eroplano sa buong bansa nang mahigit apat na oras, na nagresulta sa libo-libong kanseladong flights at mga pasaherong na-stranded sa iba’t ibang paliparan.

Ayon sa mga opisyal ng administrasyong Trump, posibleng nagmula ang aberya sa pagsasama ng bagong teknolohiya sa luma at hindi na napapanahong sistema ng air traffic control, na nagdulot ng problema sa komunikasyon at radar.

--Ads--

Iginiit naman ni Trump na kinakailangan ang agarang pag-apruba ng Kongreso sa karagdagang pondo upang tuluyang maisaayos ang sistema, na ayon sa kaniya ay nasa humigit-kumulang 50 taon na.

Samantala, sinabi ng mga awtoridad na wala silang nakikitang indikasyon na cyberattack ang sanhi ng aberya. Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang ugat ng problema.

Unti-unti namang bumabalik sa normal ang operasyon ng mga paliparan, bagama’t nagpatuloy ang ilang pagkaantala at pagkansela ng flights nitong Lunes