Posibleng ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang panukalang muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang idaos sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, constituional law expert, sinabi nito na malinaw ang naging pasya ng Korte Suprema sa Macalintal case na ang pagpapaliban ng halalan nang walang sapat na dahilan ay labag sa Konstitusyon at sa mga demokratikong prinsipyo.
Kabilang sa mga binabanggit na dahilan ng ilang mambabatas para sa postponement ang mataas na presyo ng mga bilihin at ang pagkakataong tumapat ang halalan sa holiday na Nobyembre 2. Gayunman, sinabi niyang hindi sapat ang mga ito upang bigyang-katwiran ang pagpapaliban ng eleksyon batay sa mga pamantayang inilatag ng Korte Suprema.
Kung maisabatas man aniya ang panukala, malaki ang posibilidad na ito ay maharap sa mga legal challenges at kalaunan ay maideklarang unconstitutional.
Ipinaliwanag din ni Yusingco na ang pinakamabilis na remedyo para sa mga tutol sa postponement kung sakali mang maipasa ito ay ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema upang humiling ng temporary restraining order (TRO) at status quo ante order upang mapigilan ang implementasyon ng batas at matuloy ang halalan sa itinakdang petsa.
Gayunman, nagbabala siya na maaari itong magdulot ng kalituhan sa mga kandidato at botante dahil magiging limitado na ang oras para sa paghahanda at pangangampanya.
Samantala, may mga panukala ring palawigin ang termino ng mga barangay official mula apat na taon tungo sa limang taon.
Ayon kay Yusingco, bagama’t hindi siya pabor sa pagpapaliban ng halalan, naniniwala siyang dapat pag-aralan at pag-usapan ang usapin ng term extension.
Aniya, sang-ayon siya sa pananaw ni Senate President Francis Escudero na ang mga opisyal ng barangay ang pinakamalapit sa mamamayan kaya makabubuti ang mas mahabang termino upang magkaroon ng mas maayos na pagpaplano at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programa sa komunidad.
Dagdag pa niya, nauunawaan niya ang pangamba ng ilan sa pagpapalawig ng termino dahil mayroon ding mga tiwaling barangay official. Dahil dito, sinabi niyang dapat ding palakasin ang mga mekanismo para mapanagot at mapatalsik agad ang mga mapatutunayang tiwaling opisyal upang hindi mahirapan ang mamamayan na alisin sila sa puwesto.










