Nasunog ang isang passenger ship na may sakay na mahigit 100 pasahero sa karagatan ng Coron, Palawan nitong Miyerkules ng gabi.
Batay sa ulat, bumibiyahe ang M/V June Aster mula El Nido nang sumiklab ang apoy bandang alas-7 ng gabi.
Mahigit 100 pasahero at 17 crew members ang sakay ng barko.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, 28 katao na ang nailigtas mula sa nasusunog na sasakyang-dagat.
Nangyari ang insidente sa karagatang tinatayang 1.2 nautical miles northeast ng Barangay Marcilla sa Coron.
Agad namang nakipag-ugnayan ang PCG sa Coast Guard Sub-Station sa Turda at Tara, Bureau of Fire Protection, MDRRMO at lokal na pamahalaan ng Coron, gayundin sa mga shipping line na may mga barkong naka-berth sa Port of Coron para sa rescue at assistance.
Ipinadala rin sa lugar ang mga tauhan ng Maritime Environmental Protection Unit Northeastern Palawan at Coast Guard Special Operations Group upang magsagawa ng rescue operation at tumulong sa mga sakay ng barko.
Samantala, tumulak mula Port of San Fernando sa El Nido ang BRP Suluan o MRRV-4406 patungo sa lugar ng insidente upang magbigay ng karagdagang assistance.
Patuloy namang minomonitor ng PCG ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga concerned agency upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pasahero at crew members.









