Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang nasa 87 indibidwal matapos masunog ang isang passenger vessel na patungong Coron, Palawan nitong Miyerkules, na ikinasawi ng lima at ikinaligtas ng 43 katao.
Ayon kay Philippine Coast Guard o PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nasa 134 ang kabuuang sakay ng barko batay sa passenger manifest, kabilang ang 117 pasahero at 17 crew members.
Patuloy ang search and rescue operations habang bine-verify ng PCG ang bilang at pagkakakilanlan ng mga sakay.
Ayon kay Cayabyab, may ilang survivor na natagpuang walang life jacket, habang may iba namang posibleng tumalon mula sa barko nang sumiklab ang apoy.
Iniimbestigahan din ng PCG ang posibleng mga paglabag, kabilang kung overloaded ang barko at kung nabigyan ng life jacket ang mga pasahero.
Ang mga nailigtas ay dinala sa covered court sa Barangay Turda sa Coron at ipinagkatiwala sa lokal na pamahalaan para sa kaukulang assistance.Umalis umano ang barko mula Baseco, Manila bandang alas-8 ng gabi nitong Miyerkules.










