Nakakuha si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kabuuang $3.4 bilyon (humigit-kumulang P210 bilyon) na investment commitments mula sa mga nangungunang Japanese Company matapos ang high-level meeting sa Imperial Hotel sa Tokyo.
Sa naturang pulong, nakipagkita ang Pangulo sa mga lider ng malalaking negosyo at institusyong pinansyal sa Japan bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office, inaasahang magdudulot ang mga pamumuhunang ito ng mas maraming trabaho, pagpapalawak ng industriya, pagpapahusay ng supply chain, pag-unlad ng imprastraktura sa turismo, at mas mabilis na paglipat ng iba’t ibang sektor sa paggamit ng teknolohiya.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mas matatag na economic partnership ng Pilipinas at Japan upang harapin ang mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya. Tinalakay din ang koordinasyon ng Department of Trade and Industry at Department of Tourism para palakasin ang kalakalan at turismo.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa patuloy na tiwala ng mga kumpanya sa Japan sa ekonomiya ng Pilipinas at tiniyak ang tuloy-tuloy na hakbang ng pamahalaan para mapanatili ang katatagan at kaaya-ayang klima para sa mga mamumuhunan.











