--Ads--

Naghain ng resolusyon si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima upang ipasuri sa Kamara de Representantes ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng PhilHealth benefits para sa persons with disabilities (PWDs).

Sa House Resolution 1113, binigyang-diin ni De Lima ang pangangailangang alamin kung maayos na naipatutupad ang automatic enrollment ng mga PWD sa National Health Insurance Program (NHIP), pati na rin ang tamang pagkolekta ng PhilHealth premium contributions at ang accessibility ng mga benepisyo sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disability (Republic Act 11228).

Ayon sa kanya, batay sa mga ulat, marami pa ring PWD ang hindi alam na sila ay awtomatikong naka-enroll sa PhilHealth, nakararanas ng magkakahiwalay at hindi pare-parehong proseso ng pagpaparehistro, sumasailalim sa labis na mga hinihinging dokumento, at may mga pagkakataong mali ang pagkaka-classify o hindi kasama sa coverage kahit rehistrado sila bilang PWD.

Ibinahagi rin ni De Lima na may mga ulat na ang mga employed na PWD sa gobyerno at pribadong sektor ay patuloy na kinakaltasan ng PhilHealth contributions mula sa kanilang sahod, kahit may nakasaad sa batas na dapat itong i-subsidize.

--Ads--

Ipinunto rin ng mambabatas ang isyu sa kasapatan ng mga benepisyo ng PhilHealth para sa PWD, partikular sa rehabilitasyon, assistive devices, long-term care, at iba pang serbisyong pangkalusugan na may kaugnayan sa kapansanan.

Binigyang-diin din niya na ang kapansanan ay nagdudulot ng mas mataas na pangangailangan at gastusin sa kalusugan kaya mahalaga ang dagdag na suporta mula sa pamahalaan, at isang malaking pagkukulang kung hindi ganap na naipatutupad ang mga serbisyong nakasaad sa batas para sa PWDs.

Dagdag pa niya, karaniwan na sa social media ang mga reklamo hinggil sa maliit o halos walang naibibigay na benepisyo ng PhilHealth sa mga ospital at pagpapagamot, at nakababahala na maging ang mga PWD ay hindi lubos na nakikinabang sa mga benepisyong para sa kanila.

Hinimok din ni De Lima ang pagsusuri sa koordinasyon ng PhilHealth, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Council on Disability Affairs (NCDA), at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan at financial protection para sa PWDs.

Binigyang-diin niya na dapat tugunan ang mga kakulangan sa implementasyon ng mga batas para sa PWDs, suriin ang kasapatan ng mga benepisyo, at isulong ang mga reporma para sa isang mas inklusibo at accessible na sistemang pangkalusugan para sa lahat.