Kinumpirma ni Rep. Gerville Luistro, Chair ng House Committee on Justice, na isang pinagsama o consolidated na Articles of Impeachment na lamang ang isusumite ng komite sa plenaryo laban kay VP Sara Duterte.
Kasunod ito ng desisyon ng komite noong Abril 29, kung saan parehong nakakuha ng 53 unanimous na boto ang Saballa at Cabrera impeachment complaints, na nagresulta sa deklarasyon ng pagkakaroon ng probable cause.
Ayon kay Luistro, ang naging mosyon ni ML Partylist Rep. Leila de Lima para sa konsolidasyon ay layong pag-isahin ang mga reklamo upang maging mas simple at mas komprehensibo ang proseso sa Kamara.
Ipinaliwanag niya na ang lahat ng alegasyon mula sa dalawang impeachment complaint ay isasama sa iisang Articles of Impeachment, at iisang dokumento rin ang ipapasa sa plenaryo.
Nakatakda ang susunod na pagdinig ng komite sa Mayo 4, 2026, alas-10 ng umaga, para sa pag-apruba ng committee report at ng resolusyong maglalaman ng pormal na Articles of Impeachment.
Nilinaw din ni Luistro na hindi dapat madaliin ang botohan sa plenaryo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga mambabatas na pag-aralan ang mga dokumento at ebidensya bago bumoto.
Ayon pa sa kanya, ito ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Duterte vs. House of Representatives, na nag-aatas na dapat bigyan ng sapat na oras ang mga miyembro ng Kamara para makabuo ng informed decision bago ang botohan.
Ang House Plenary ang magtatakda ng petsa ng botohan sa Articles of Impeachment, kung saan kinakailangan ang boto ng isang-katlo ng mga mambabatas upang maisulong ang kaso.











