Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na lehitimong police operation ang isinagawa kahapon sa southbound lane ng NLEX Toll Plaza sa Bocaue, Bulacan, na nauwi sa armadong engkwentro.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, nagsagawa ang mga awtoridad ng hot pursuit operation matapos makatanggap ng impormasyon na ang mga suspek ay umano’y sangkot sa mga insidente ng pagnanakaw sa mga minimart sa Magalang, Pampanga at Victoria, Tarlac noong Hunyo 22 at 24.
Ayon kay Police Brigadier General Jess Mendez, Regional Director ng PRO3, dalawang araw nang minamanmanan ng pulisya ang nasabing grupo. Dahil dito, nagtalaga sila ng mga tauhan sa mga exit ng toll plaza upang masubaybayan ang galaw ng mga suspek.
Nang lapitan umano ng SWAT team ang sasakyan ng mga suspek, pinaputukan umano ng mga ito ang mga operatiba, na nagresulta sa palitan ng putok.
Dahil sa insidente, nasugatan ang mga suspek at agad silang isinugod sa ospital para sa karampatang gamutan.
Sa kasalukuyan, ligtas at kontrolado na ang lugar ng insidente habang nagpapatuloy ang pangangalap ng ebidensya ng mga imbestigador at mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Samantala, hinimok ng PNP ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong impormasyon at umiwas sa pagpapakalat ng mga haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.










