Hindi nagulat ang political analyst na si Atty. Michael Henry Yusingco sa pag-apruba ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform sa Anti-Political Dynasty Bill, kung saan nanaig ang bersyon nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos.
Ayon sa kanya, inasahan na niya ang resulta dahil nakikita niyang ang layunin ng Kongreso ay hindi tunay na pagbabawal sa political dynasty, kundi ang ma-legalized ang umiiral na sistema, lalo’t karamihan sa mga nagpanukala ay miyembro mismo ng political dynasty.
Dahil dito, inaasahang gagamit ang ilang pulitiko ng loopholes o legal na paraan upang mapanatili ang kanilang impluwensya kahit ipatupad ang batas.
Kapag naisabatas ang bersyon ng House, limitado rin ang kakayahan ng publiko na humamon sa mga pinuno dahil sila ang may kontrol sa implementasyon at interpretasyon ng batas.
Sa kabilang banda, mas istriktong naglalayong pigilan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa pamilya ang bersyon ng Senado, na malinaw na nagbabawal sa kandidatura ng miyembro ng parehong pamilya sa parehong posisyon sa iisang distrito o local government unit. Ang bersyon ng House, sa kabilang dako, ay mas maluwag at may exemptions na nagpapahintulot sa umiiral na political dynasty na magpatuloy.
Bagaman pumasa na ang panukala sa House, bukas pa rin ang resulta sa Senado. Kailangang pagkasunduin ang magkaibang bersyon sa bicameral conference bago ito maging ganap na batas.
Sa kabuuan, nananatiling hamon sa bansa ang political dynasty dahil pinipigilan nito ang tunay na representasyon ng mamamayan, nililimitahan ang pagkakataon ng bagong lider na pumasok sa politika, at naaapektuhan ang pag-unlad ng demokratikong proseso.










