--Ads--

Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na higpitan ang pagbabantay sa kanilang mga anak, partikular sa paggamit ng motorsiklo, upang maiwasan ang mga aksidente at paglabag sa batas-trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niya na patuloy nilang mino-monitor ang mga estudyanteng gumagamit ng motorsiklo kahit wala pang sapat na kakayahan at mga kinakailangang dokumento para legal na makapagmaneho.

 Karamihan aniya sa mga kabataang kanilang nasisita ay walang driver’s license at iba pang kaukulang dokumento.

Bukod dito, marami rin umano ang hindi gumagamit ng mga kinakailangang safety gear tulad ng helmet na mahalaga sa kanilang kaligtasan.

--Ads--

Binigyang-diin ng opisyal na malaking panganib ang kinahaharap ng mga menor de edad na nagmamaneho nang walang sapat na kaalaman at hindi sumusunod sa umiiral na mga batas-trapiko. Maaari aniyang mauwi ito sa malulubhang aksidente na magdudulot ng pinsala hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa iba pang motorista at mga pedestrian.

Dahil dito, hinikayat ni Mallillin ang mga magulang na sila na lamang muna ang maghatid at magsundo sa kanilang mga anak kung kinakailangan upang maiwasan ang pagmamaneho ng motorsiklo nang walang sapat na pagsasanay at legal na dokumento.

 Nanawagan din siya sa mga magulang na makiisa sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kaligtasan sa lansangan sa pamamagitan ng mas mahigpit na paggabay at pagmomonitor sa kanilang mga anak.