Nagbanta si US President Donald Trump na bobombahin ang South Pars gas field ng Iran kung magkakaroon ng panibagong pag-atake laban sa pangunahing planta ng langis ng Qatar.
Itinanggi ni Trump na may kinalaman ang US o Qatar sa pag-atake ng Israel sa gas field sa Iran.
Aniya, nagkaroon ng atake sa isang maliit na bahagi ng South Pars Gas Field sa Iran, at hindi alam ng Iran ang lahat ng kaugnay na detalye ng insidente, kaya’t hindi makatarungan ang ginawang pag-atake sa bahagi ng planta ng LNG Gas ng Qatar.
Inihayag din ni Trump na hindi na muling gagawa ng pag-atake ang Israel sa South Pars field maliban kung aatakehin ng Iran ang Qatar.
Paliwanag niya na sa ganoong pagkakataon, ang United States, sa tulong man o hindi ng Israel, ay handang wasakin ang buong South Pars Gas Field.
Idinagdag niya na ayaw niyang aprubahan ang ganitong antas ng karahasan at pagpapasabog dahil sa pangmatagalang epekto nito sa kinabukasan ng Iran, ngunit kung muling atakihin ang LNG ng Qatar, hindi siya mag-aatubiling kumilos.











