Isang bihirang albino na kalabaw na may mahaba at kulay blond na buhok ang naging instant celebrity sa Bangladesh bago ang pagdiriwang ng Eid al-Adha, matapos mapansin ng publiko ang pagkakahawig nito kay US President Donald Trump.
Ang halos 700-kilo na kalabaw ay pinalaki sa isang bukirin sa Narayanganj district malapit sa Dhaka. Tinawag itong “Donald Trump” dahil sa kumpol ng mapusyaw na buhok sa noo na kahawig umano ng hairstyle ng pangulo.
Araw-araw, dinadayo ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar ang bukirin upang mag-selfie at kumuha ng video kasama ang kakaibang hayop na agad naging viral sa social media.
Ayon sa may-ari na si Ziauddin Mridha, kalmado ang kalabaw at karaniwang maamo ang mga albino buffalo. Binibigyan ito ng espesyal na pag-aalaga—pinapaliguan ng apat na beses kada araw at pinapakain ng apat na beses upang manatiling malusog bago ang Eid.
Naibenta na ang kalabaw sa isang mamimili para sa tradisyunal na sakripisyo sa Eid al-Adha.
Ang mga albino buffalo ay itinuturing na bihira sa Bangladesh, kung saan karaniwang maitim ang balat ng mga kalabaw. Ang kakaibang itsura nito—cream-colored na katawan, pinkish na ilong, at mahaba, blond na buhok—ang nagpaangat dito sa libo-libong hayop na inihahanda para sa pista.
Sa mga nakaraang taon, naging uso sa bansa ang mga kakaibang hayop na ginagawang atraksyon tuwing Eid, kadalasan ay binibigyan ng mga pangalan ng kilalang personalidad upang mas lalong makaakit ng mga bisita at mamimili.











