--Ads--

Inaasahang magkakaroon ng magkahalong galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Martes, kung saan bababa ang presyo ng diesel at kerosene habang maaaring tumaas o bumaba naman ang presyo ng gasolina.

Ayon sa Department of Energy (DOE), epektibo mamayang alas-6 ng umaga ngayong araw, Hunyo 16, 2026, ang mga sumusunod na price adjustments:

Gasolina – rollback na hanggang P0.32 kada litro o posibleng pagtaas na hanggang P1.68 kada litro
Diesel – rollback na P3.71 hanggang P5.71 kada litro
Kerosene – rollback na P0.50 hanggang P2.50 kada litro


Paliwanag ng DOE na nagkakaiba ang galaw ng presyo depende sa distansya ng mga istasyon mula sa mga depot at mga polisiya ng kani-kanilang fuel retailer.

--Ads--

Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng pagtaas sa presyo ng gasolina na P0.30 kada litro, diesel na P4.80 hanggang P5.77 kada litro, at kerosene na P4.75 hanggang P8.10 kada litro.


Dahil dito, umabot na sa net increase na P45.32 kada litro ang gasolina, P43.41 kada litro ang diesel, at P37.80 kada litro ang kerosene mula sa simula ng taon hanggang Hunyo 9, 2026.

Samantala, ikinatuwa naman ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga ulat na nagkasundo na ang Estados Unidos at Iran upang wakasan ang umiiral na sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.


Ayon kay Garin, mahalagang balita ito para sa Pilipinas na umaasa sa pag-aangkat ng malaking bahagi ng suplay ng langis nito.Philippine Politics News

Batay sa pinakahuling datos ng DOE noong Hunyo 12, 2026, sapat ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa para sa 46.47 araw na konsumo.

Kabilang dito ang suplay ng gasolina na katumbas ng 44.98 araw, diesel na 43.06 araw, kerosene na 139.12 araw, jet fuel na 73.83 araw, fuel oil na 45.50 araw, at liquefied petroleum gas (LPG) na 45 araw.