--Ads--

Inaasahang muling tataas nang malaki ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na pagkaantala sa suplay na inuugnay sa geopolitical tension.

Batay sa Mean of Platts Singapore o MOPS, maaaring tumaas ng ₱10 hanggang ₱10.50 kada litro ang presyo ng diesel, habang ₱4.50 hanggang ₱5 kada litro naman ang posibleng dagdag sa gasolina.

Ilalabas ng Department of Energy o DOE sa Lunes, Setyembre 21, ang pinal na price adjustment para sa susunod na linggo.

Kapag nagpatuloy ang tinatayang ₱10 dagdag sa diesel, maaari nang lumampas sa ₱100 kada litro ang average na presyo nito.

--Ads--

Ayon sa isang industry expert, kabilang sa mga nakaaapekto sa suplay ang tumitinding tensiyon sa Strait of Hormuz at Red Sea, na nagdudulot ng mga pangamba sa transportasyon ng langis.

Samantala, nag-ambag din sa pagtaas ng presyo ng diesel sa pandaigdigang merkado ang mga drone strike sa mga refinery ng langis sa Russia, habang nananatiling mataas ang presyo ng gasolina sa Asya dahil sa malakas na regional demand at mga banta sa shipping sa Red Sea.