Nakaalerto at nakahanda na ang Police Regional Office 2 (PRO 2) sa inaasahang epekto ng Typhoon Inday na posibleng makaapekto sa Northern Luzon, partikular sa limang lalawigan ng Region 2, sa mga susunod na araw.
Bilang paghahanda, mahigpit na ipinatutupad ng PRO 2 ang iba’t ibang maagap na hakbang upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko. Kabilang dito ang pagpapatupad ng Oplan Tambuli, kung saan nagsasagawa ang kapulisan ng maagang abiso sa mga residenteng naninirahan sa mga baybaying-dagat, tabing-ilog, at iba pang lugar na itinuturing na mapanganib.
Pinapayuhan ang mga residente na maging mapagmatyag, maghanda, at agad na lumikas kung kinakailangan upang maiwasan ang anumang panganib na dulot ng bagyo.
Nakahanda na rin ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) ng PRO 2 upang agarang tumugon sa anumang insidente o pangangailangan kaugnay ng pampublikong kaligtasan, disaster response, at humanitarian assistance. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matiyak ang maagap, organisado, at epektibong pagtugon sa anumang sitwasyong maaaring idulot ng bagyo.
Patuloy rin ang koordinasyon ng PRO 2 sa Office of Civil Defense, mga Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga Local Government Unit para masubaybayan ang galaw ng bagyo, makapagbigay ng napapanahong impormasyon sa publiko, at matiyak ang maayos na pagtugon sa anumang sakuna.











