--Ads--

Inaasahang maipapakita at maipagmamalaki ang mga produkto ng lalawigan ng Isabela sa iba’t ibang bahagi ng Europa.

Kabilang sa mga produktong naitampok sa Switzerland noong nakaraang linggo kasabay ng pagbisita ng hanay ng Department of Tourism Industry (DTI) Isabela ang kape, cornicks, tsokolate, iba’t ibang uri ng chips, at maging mga non-food items.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ambassador Bernard Faustino Dy, sinabi niyang magdudulot ito ng malaking epekto sa ekonomiya ng lalawigan.

Bukod sa inaasahang pagtaas ng demand sa mga produktong Isabeleño, magbubukas din ito ng dagdag na oportunidad dahil mapipilitang mag-level up ang produksyon, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapalawak ng pagbili ng ani mula sa mga magsasaka.

Ayon pa sa kanya, kung magiging tuloy-tuloy at matagumpay ang pagpasok ng mga produkto sa European market, hindi lamang ang mga may-ari ng negosyo ang makikinabang kundi maging ang mga producer at magsasaka na pinanggagalingan ng mga hilaw na materyales.

Ipinaliwanag din ng Ambassador na kapag nabanggit ang Switzerland, tsokolate agad ang pumapasok sa isipan ng marami. Gayunman, wala namang sariling cacao ang naturang bansa kaya umaangkat ito mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Aniya, malaking oportunidad para sa Isabela na maipakita ang kalidad ng kanilang cacao na maaaring gamitin sa paggawa ng tsokolate sa Switzerland.

Nanawagan naman ang Ambassador sa mga lokal na negosyante na samantalahin ang umiiral na free trade agreement sa Switzerland. Aniya, kapag nakapasok ang mga produkto sa nasabing bansa, mas madali na itong maipapamahagi sa iba pang bahagi ng Europa dahil nasa sentrong lokasyon ang Switzerland, isang napakagandang oportunidad para sa lahat.