
CAUAYAN CITY -Inireklamo ng ilang estudyante ng Isabela State University (ISU) Roxas Campus ang kanilang professor dahil sa hindi pagbibigay ng kanilang grado nitong huling semestre.
Batay sa letter of Complaint na ipinaabot sa Bombo Radyo ng grupo ng mga estudyante ng College of Criminology na umano’y hindi binigyan ng grado, laman nito ang iba’t ibang reklamo sa kanilang guro na si Professor Teody Basillo na siya ring Dekano ng College of Criminology ng ISU Roxas campus.
Ilan sa kanilang mga hinaing patungkol sa naturang guro ay ang hindi pagbibigay ng belt sa karate na matagal na umanong nabayaran.
Bukod dito ay pinagbabayad din umano niya ang mga may incomplete na grado sa pamamagitan ng pagpapatrabaho sa kanyang tinutuluyang staff house tulad ng pagsibak ng kahoy.
Nagpapabayad din umano siya ng sobra sa kanilang asignaturang marksmanship na sa halagang P230 na kanilang kontribusyon ay nangolekta pa ng P1,000.
Nauna na ring isinangguni ng mga nasabing estudyante ang naturang reklamo sa tanggapan ng kanilang Campus administratior na si Dr. Quirino Parallag para tutukan ang naturang problema.
Idinulog din nila ito sa tanggapan ng pangulo ng ISU sa Echague main Campus.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Professor Teody Basilio, kanyang itinanggi at nilinaw ang mga paratang laban sa kanya.
Paliwanag niya na naantala ang distribution sa mga naturang belt dahil sa COVID-19 pandemic.
Voluntary in nature rin aniya ang pagsibak ng kahoy dahil ito’y sa kasagsagan ng kanilang ROTC noon.
Kaugnay naman ng pagkaka differed o hindi pagbibigay ng grado sa kanyang estudyante ay bunsod umano ng kulang na pagsusumite ng Actual photo ng kanilang combat shooting at markmanship noong buwan ng Pebrero.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa Campus Administrator ng ISU Roxas na si Dr. Quirino Parallag, kanyang sinabi na agad pinaimbestigahan ng ISU System ang naturang reklamo.
Ayon kay Dr. Parallag, batay sa resulta ng imbestigasyon, naiprisinta umano ni professor Basilio ang mga hinahanap ng mga estudyante na kanilang binayarang belt sa karatedo at iba pang koleksyon.
Aniya, kaya hindi na nito nagawang ibigay sa kanyang mga estudyante ang mga naturang belt ay dahil sa COVID-19 pandemic.
Gayunman ay hindi hahayaan ng naturang campus administrator na may mga Instructor or Professor na mang-abuso sa kanilang mga estudyante dahil sa grado.
Tiniyak din ni Dr. Parallag na mapapanatili ang transparency at hindi mauuwi sa personalan ang naturang reklamo.
Hinikayat nito ang kanilang mga estudyante na huwag mag-atubiling ilapit sa kanyang tanggapan ang ano mang problema dahil bukas ito na pakinggan ang kanilang mga reklamo.










