CAUAYAN CITY – Naglabas ng paliwanag ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela kaugnay sa ilang impormasiyon patungkol sa isang estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na naunang idineklarang nakitaan ng sintomas ng coronavirus disease (COVID-19) at dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Sa ipinadalang mensahe sa Bombo Radyo Cauayan ni Atty. Elizabeth Binag, information officer ng Provincial Government ng Isabela, sinabi niya na matapos na makipag-ugnayan sa Provincial Health Office, napag-alaman na ang naturang estudyante ay nasa maayos na kalagayan at hindi nakakitaan ng anumang sintomas ng COVID-19 taliwas sa naunang pahayag nito.
Gayunman ay kinakailangan pa ring sumunod ang estudyante sa Protocol ng DOH na sa ngayon ay sumasailalim sa suarantine sa itinalagang isolation facility sa bayan ng Echague.
Kasabay nito ay naglabas na rin ng paglilinaw ang pamunuan ng UPLB kung saan nakasaad na lahat ng 58 estudyanteng pinauwi sa Isabela ay nasa maayos na kalagayan at pawang nakakuha ng clearance mula sa doktor ng University health Services kaya pinahintulutan silang makabiyahe.
Iginiit pa ng pamunuan ng nasabing Pamantasan na ang kanilang pamunuan ang pinakaunang makakaalam sa kalagayan ng mga estudyante dahil may kasama silang kawani ng UPLB hanggang sa makarating sila sa lalawigan ng Isabela.
Inilabas ng pamantasan ang nasabing pahayag upang linawin ang ilang maling impormasiyon may kaugnayan sa estudyante ng UPLB na umano’y nakakitaan ng sintomas ng COVID-19.











