Iginiit ng pamunuan ng Mabini, Santiago City na hindi maituturing na flood control project ang inirereklamo ng ilang residente matapos umano ang nararanasang pagbaha sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Sarah Jane Santos, sinabi nitong mali ang pagtukoy sa naturang proyekto bilang flood control dahil patuloy pa ring nakararanas ng pagbaha sa kanilang barangay.
Ayon kay Santos, dumaan na ang ilang bagyo sa kanilang lugar ngunit hindi naman umano sila kabilang sa mga benepisyaryo ng isang maayos na flood control system.
Ipinaliwanag din nito na mahirap umanong matukoy o mahulaan ang bigat ng volume ng tubig na bumababa mula sa mataas na lugar patungo sa kanilang komunidad, na siyang pangunahing dahilan ng pag-apaw ng tubig sa kalsada.
Dagdag pa niya, kung wala sanang tubig na nagmumula sa itaas na bahagi ng lugar ay hindi sana maiipon ang tubig sa mababang bahagi ng barangay.
Sa ngayon, nananatiling isyu sa lugar ang kakulangan ng epektibong flood control system upang maiwasan ang patuloy na pagbaha tuwing may malalakas na pag-ulan.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang isang residente matapos umanong mabigyang-interpretasyon na sinisisi ang kanilang punong barangay kaugnay sa problema sa pagbaha sa kanilang lugar.
Sa pakikipag-panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay alyas “Dodong,” nilinaw nitong hindi ang Barangay Captain ang kanilang inirereklamo kundi ang gumawa sa umanong proyekto sa ibabang bahagi ng kanilang bahay
Ayon kay Dodong, matagal na umano nilang inirereklamo ang kawalan ng maayos na imburnal na magdadala ng tubig patungo sa ilog, dahilan upang maipon ang tubig sa kanilang lugar tuwing umuulan.
Dagdag pa nito, agad namang umaksyon ang punong barangay sa kanilang reklamo kaya nagpapasalamat at humihingi rin siya ng paumanhin kung tila nasisi ang kapitana sa isyu.
Giit ng residente, ang pangunahing suliranin ay ang disenyo ng flood control project na umano’y walang sapat na drainage system, na nagiging sanhi ng pagbaha sa kanilang komunidad.
Sa ngayon, inaasahan ng mga residente na mabibigyan ng kaukulang solusyon ang naturang problema upang maiwasan ang patuloy na pag-ipon ng tubig sa kanilang lugar











