
CAUAYAN CITY – – Nasugatan ang isang pulis at isang barangay kapitan matapos mauwi sa barilan ang pagsisilbi ng mga miyembro ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ng mandamiento de aresto sa Manano, Mallig, Isabela.
Ang mga nasugatan ay sina PCpl. Eduardo Santiago, 41 anyos, miyembro ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at residente ng Cabatuan, Isabela at si barangay kapitan Jolly Ladiero, 53 anyos at residente ng Trinidad, Mallig, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, pinara ng mga pulis si Ladiero na sakay ng tricycle at may isang pasahero.
Nang lumapit ang mga pulis para isilbi ang mandamiento de aresto ay biglang bumunot ng baril si Ladiero at pinaputukan si PCpl Santiago.
Nakaganti ng putok ang mga pulis at tinamaan ng bala ang barangay kapitan.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. Clarence Labasan, hepe ng Mallig Police Station na nangyari ito dakong alas diyes kaninang umaga sa junction na patungong Barangay Trinidad, Mallig.
Aniya, isinilbi ng mga pulis ang mandamiento de aresto laban sa barangay kapitan at nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta ng pagkakasugat ng dalawa.
Ayon kay PCapt. Labasan, unang dinala sa Roxas District Hospital si Ladiero subalit inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City habang ang pulis ay itinakbo sa isang pribadong ospital sa lunsod ng Cauayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Mallig Police Station sa naturang pangyayari.










