
CAUAYAN CITY – Binawi ng Kapitan ng Barangay Rosario, Santiago City ang kumpirmasyon nito ukol sa pagtakas umano ng COVID-19 patient sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Una nang nabatid ang pagkalat ng isang CCTV Footage sa lunsod na kuha sa nasahing barangay at makikita ang pagdaan ng isang babaeng nakasuot ng hinihinalang personal protective equipment (PPE) na pinaniwalaan ng Punong Barangay na ito ang tumakas na COVID-19 patient sa nasabing pagamutan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Rodolfo Soriano, sinabi niya na sa pagtungo niya sa nasabing Ospital upang kausapin sana ang kanilang pamunuan ay naobserbahan niya kung gaano kahigpit ang pagamutan kaya imposibleng makatakas ang nasabing pasyente.
Sinabi pa nito na batay sa nasabing CCTV Footage ay iba ang suot ng babaeng nakuhanan sa video kung ikukumpara sa mga suot ng mga healthworkers sa nasabing ospital.
Paliwanag ni Punong Barangay Soriano na naniwala lamang siya sa impormasyong ibinahagi sa kanya ng kanilang Chief Tanod na nagsabing ang babae sa CCTV Footage ay ang COVID-19 patient.
Nilinaw naman nito na hindi galing sa kanilang barangay ang nasabing CCTV Footage kundi nakuha lamang umano ng Chief tanod sa Social Media.
Aalamin aniya nila kung saan nagmula ang CCTV Footage at sisiguraduhing masasampahan ng karampatang parusa ang mga sangkot sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Pinayuhan naman niya ang publiko na upang hindi matulad sa kaparehong sitwasyon ay kumpirmahin muna ang mga impormasyong nalalaman bago sabihin sa ibang tao.










