--Ads--

Binawi na ng Quezon City Regional Trial Court ang warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong counts ng grave threats na isinampa laban sa kanya.

Itinuturing na sumuko sa mga awtoridad si VP Sara para sa proseso ng kanyang pagpapapiyansa sa kaso, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Michael Poa.

Ayon kay Poa, maituturing na surrendered na ang bise presidente matapos itong magtungo sa Quezon City Hall of Justice nitong Sabado.

Isang araw bago nito, nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Duterte matapos makakita ng probable cause upang litisin siya sa tatlong counts ng grave threats.

--Ads--

Hindi dumalo si Duterte sa korte noong Biyernes nang ilabas ang warrant. Pagdating niya nitong Sabado, ilang ulit niyang ipinahayag ang pangamba sa kanyang kaligtasan bago tuluyang pumasok sa gusali matapos makipag-usap sa kanyang mga abogado.

Itinakda ng korte ang piyansa sa P120,000 para sa bawat count o kabuuang P360,000 para sa tatlong kaso.

Inihain ng Department of Justice ang mga kaso kaugnay ng mga pahayag ni Duterte na kumuha siya ng isang indibidwal upang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling matuloy umano ang isang plano laban sa kanya.