--Ads--

Naitala ang pagbaba ng mga reklamong may kinalaman sa overcharging sa pamasahe sa tricycle sa Lungsod ng Cauayan matapos ang patuloy na paalala at paglilinaw ng mga awtoridad hinggil sa tamang singil sa pamasahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division, sinabi niya na nananatili pa rin sa 20 pesos ang regular na pamasahe at wala pang ipinatutupad na 25 pesos na singil sa kasalukuyan.

Aniya, dati ay ilang reklamo ang kanilang natatanggap mula sa ilang mga pasahero kaugnay sa umanoy sobrang paniningil ng pamasahe ng mga driver at operator dahilan upang magsagawa sila ng mas pinaigting na paalala at monitoring.

Agad umano nilang iniimbestigahan ang mga natatanggap na reklamo upang matiyak na nasusunod ang itinakdang pamasahe at hindi naabuso ang mga commuter.

--Ads--

Nagpaalala rin ang mga opisyal sa publiko na agad idulog sa kanilang tanggapan ang anumang insidente ng overcharging upang mabigyan ng kaukulang aksyon.

Hinikayat din nito ang mga namamasada na sumunod sa umiiral na fare matrix upang maiwasan ang paglabag at posibleng parusa.