--Ads--

Nagpahayag ng kahandaang tumestigo si dating Manila Mayor at Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kina Senator Loren Legarda at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste kaugnay ng umano’y anomalya sa solar electrification project.

Sa isang panayam, sinabi ni Atienza na wala pa siyang naipapasang affidavit sa Ombudsman ngunit nakahanda siyang makipagtulungan kung kakailanganin sa imbestigasyon.

Ayon kay Atienza, matagal na niyang kinukuwestiyon ang solarization project na iniuugnay kina Legarda at Leviste dahil noon pa man ay nakikita na umano niya ang mga posibleng iregularidad rito.

Iginiit niya na mula pa sa simula ay may pagdududa na siya sa proyekto dahil nakikita umano niya ang mga pangunahing isyung nagpapakita ng posibleng panlilinlang.

--Ads--

Nauna nang sinabi ni Atienza na personal umano siyang nilapitan ni Legarda upang suportahan ang pagbibigay ng prangkisa sa kompanya ng anak nito kapalit ng umano’y tulong ng senadora sa budget na kanyang isusulong sa Kongreso.

Inihayag din niya ang naging pagtutol noon sa pagbibigay ng prangkisa sa isang kompanya matapos makatanggap ng impormasyon na maaari lamang umano itong ibenta sa halip na gamitin para sa layunin ng serbisyo.

Kinuwestiyon din ni Atienza ang umano’y mababang capitalization ng Solar Philippines, na aniya’y nakasaad lamang sa P1 milyon, bagay na hindi umano sapat para sa isang proyektong naglalayong magsagawa ng malawakang solarization sa bansa.