Pansamantalang nakalaya si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos magpiyansa ng ₱1 milyon para sa kinakaharap nitong kasong malversation.
Inaprubahan ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang petisyon para sa pansamantalang kalayaan habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Lumabas si Revilla sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas bandang alas-6:15 ng gabi.
Ayon sa korte, pinayagan siyang magpiyansa matapos mabigong maipakita ng prosekusyon ang matibay na ebidensya ng kanyang pagkakasala sa kasalukuyang yugto ng pagdinig.
Maaalalang nahaharap si Revilla sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa ₱92.8 milyong “ghost flood control project” sa Pandi, Bulacan, na paulit-ulit niyang itinanggi ang anumang pagkakasangkot.
Tanging ang petisyon ni Revilla ang pinagbigyan ng Sandiganbayan, habang ibinasura ang mga aplikasyon para sa piyansa ng kanyang mga kapwa-akusado.
Nauna nang nakapagpiyansa si Revilla ng ₱90,000 para sa hiwalay niyang kasong graft na nasa ilalim ng Sandiganbayan Fourth Division. Dahil naaprubahan na rin ang kanyang ₱1 milyong piyansa para sa kasong malversation, tuluyan na siyang nakalaya.
Sa kanyang unang Facebook post matapos ang desisyon ng anti-graft court, nagpasalamat si Revilla sa Diyos at isinulat ang mensaheng: “Thank you Lord.”









