Wala na umanong stock ng bigas sa ilang mga bodega sa bansa, ayon sa Rice Millers Association Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernersto Subia, Presidente ng naturang asosasyon, sinabi niya na bago pa man maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang presyo ng palay ay nanganganib na ang suplay ng bigas sa bansa.
Aniya, sa Lambak ng Cagayan at ilang mga warehouses sa Visayas ay nagkakaubusan na ng buffer stock kaya naman kinausap umano nito si House Speaker Bojie Dy na kung maaari ay mag-import ng bigas subalit huwag babawasan ang taripa nito upang ma-protektahan pa rin ang mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Subia, sa 44 taon niya sa hanay ng Rice Millers ay ngayong taon lang niya naranasan na walang bigas sa bansa habang patuloy ang pagtaas ng ang presyo ng gasolina.
Nangangamba umano siya na baka pagkatapos ng anihan ay wala nang mabiling bigas sa merkado kaya dapat kumilos na sa pag-import ang pamahalaan lalo na at may giyera sa ibang bansa.











