Maikukunsidera pa rin umanong mastermind sa umano’y maanomalyang flood control projects si dating Speaker Martin Romualdez, ayon kay Senator Rodante Marcoleta.
Ito ay kasunod ng naunang pahayag ni Romualdez na itinatanggi niya ang paratang at idinidiin ang ilang personalidad kabilang sina Senator Chiz Escudero at dating Cong. Zaldy Co.
Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Marcoleta na maituturing pa ring utak ng isyu si Romualdez dahil umano sa pagkunsinti sa isang sistema sa ilalim ng kanyang liderato kung saan nagkaroon ng katiwalian.
Ayon pa sa senador, hindi kikilos ang Kamara kung walang direksyon mula sa liderato noon ni Romualdez, at binigyang-diin na ang House Speaker ay may malaking impluwensya sa legislative agenda, sa gawain ng mga komite, at sa mga isinusulong na panukala sa plenaryo.











