Sinuspinde ng Sandiganbayan Sixth Division nang 90 araw si USWAG Ilonggo Party-list Representative James Jojo Ang Jr. kaugnay ng dalawang graft cases na may kinalaman sa umano’y multi-million-peso government public works contracts.
Nauna nang nagpasok ng not guilty plea si Ang sa mga kaso.
Ayon sa Sandiganbayan, mandatory measure ang preventive suspension upang mapigilan ang akusadong opisyal na gamitin ang kanyang posisyon para impluwensyahan ang mga testigo, hadlangan ang prosekusyon o makagawa pa ng iba pang paglabag.
Iginiit naman ni Ang na tuluyan na niyang ibinenta o ini-divest ang kanyang shares at interests sa Allencon, ang contracting firm na inuugnay sa mga kaso.
Iniutos ng korte na ipatupad ni House Speaker Faustino Bojie Dy V ang 90-araw na suspension at magsumite ng report sa mga isinagawang hakbang sa loob ng 15 araw.









