Naniniwala ang punong barangay ng Gappal, Cauayan City, na maaaring sa kanilang barangay lamang itinapon ang bangkay ng isang babae na natagpuan sa ilalim ng Buduan Bridge nitong Huwebes, Pebrero 5.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Joselito Ortiz, agad siyang nagbaba ng direktiba sa kanyang mga kagawad nang matanggap ang ulat, upang i-check kung may nawawalang residente. Base sa kanilang tala, wala namang naiulat na nawawala sa kanilang barangay, at sa karatig barangay ay wala rin.
Suspek ng kapitan, maaaring sa Brgy. Gappal na lamang itinapon ang bangkay gayunman malaki ang posibilidad na doon din pinatay ang babae bago ito itinapon sa ilog.
Sinabi niya na may natagpuan umano sa isang bahagi ng palayan na may bakas ng hinihinalang dugo at tsinelas, pati na rin ang isang bato na maaaring ginamit sa krimen.
Aniya, nakita rin ng ilang residente ang mga bakas na ito sa palayan, na hindi kalayuan mula sa tulay. Giit ng kapitan, mayroon ding mga bakas ng dugo sa daan patungo sa tulay, ngunit paglilinaw niya na batay lamang ito sa kanilang obserbasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa sanhi ng insidente at sa posibleng motibo ng krimen.










