--Ads--

Positibo ang naging pagtanggap ng ilang school officials sa panukalang resolusyon na naghihikayat sa lahat ng paaralan sa Santiago City na patuloy na ipatupad at palakasin ang pagtuturo ng Santiago Hymn at Santiago March sa mga estudyante.

‎Ayon sa isang Punong Guro sa Santiago City na si Principal Joy Gabriel, matagal nang bahagi ng mga aktibidad sa paaralan ang pag-awit at pagtuturo ng Santiago Hymn at Santiago March, partikular sa mga flag ceremony at iba pang opisyal na programa.

‎Sinabi niya na mahalagang maipakilala sa mga kabataan ang mga awiting sumasalamin sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan ng Lungsod ng Santiago upang higit nilang maunawaan at mapahalagahan ang kanilang lokal na pamana.

‎Bagama’t marami nang estudyante ang pamilyar sa mga awitin, kinilala rin ng mga opisyal ng paaralan na may ilan pa ring hindi ganap na nakakaalam ng kahulugan at kahalagahan ng mga ito.

--Ads--

‎Dahil dito, naniniwala silang makatutulong ang panukalang resolusyon upang higit pang mapalawak ang kamalayan ng mga mag-aaral at mapagtibay ang pagtuturo nito sa lahat ng paaralan.

‎Ayon pa kay Ginoong Gabriel, ang mas malawak na pagpapatupad ng ordinansa ay magsisilbing daan upang mapalalim ang pagmamahal ng mga kabataan sa kanilang lungsod at mapalakas ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga mamamayan ng Santiago.

‎Ang panukalang resolusyon ay naglalayong hikayatin ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod na ipatupad ang Ordinance No. 96-29, na nag-uutos sa pagtuturo ng Santiago Hymn at Santiago March bilang bahagi ng pagpapalakas ng lokal na kultura at civic consciousness ng mga mag-aaral.