Magpapatupad ng mas pinaigting na seguridad ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) at mga municipal police station sa lalawigan kasunod ng naganap na pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Lt. Col. Edgar Manuel Jr., hepe ng Public Community Affairs and Development Unit (PCADU), naglabas ng direktiba si PBGen Mariano Rodriguez, Regional Director ng PNP sa Cagayan Valley, upang paigtingin ang koordinasyon sa mga paaralan at tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani.
Sinabi ni Manuel na inatasan ang mga yunit ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga school officials upang matukoy ang mga pangangailangan sa seguridad at mas mapalakas ang pagbabantay sa mga paaralan, lalo na ngayong panahon ng enrolment.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagsusuri sa kasalukuyang security measures ng mga paaralan at pagtukoy sa mga maaaring pagbutihin upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. Magsasagawa rin ng assessment kung naipatupad ang mga nakaraang rekomendasyon para sa pagpapataas ng antas ng seguridad.
Binigyang-diin ni Manuel ang kahalagahan ng mahigpit na inspeksyon sa mga estudyante at ang pagbabawal sa pagdadala ng mga armas tulad ng patalim at baril sa loob ng paaralan. Aniya, nananatiling nakaantabay ang mga pulis sa paligid ng mga paaralan at pumapasok lamang sa loob kapag may koordinasyon o kahilingan mula sa pamunuan ng paaralan.
Matatandaang nagdulot ng matinding pangamba ang pamamaril sa Tacloban City na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan.











