Pinangunahan ni Senador Loren Legarda ang isang “rescue buy” initiative upang sagipin ang ani ng mga magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nakaapekto sa sektor ng agrikultura.
Dahil sa mataas na gastos sa transportasyon dulot ng mahal na krudo, nanganganib na masayang ang toneladang repolyo mula Sto. Niño, Cagayan. Upang matulungan ang mga magsasaka, nakipag-ugnayan ang kampo ni Legarda sa Rural Rising Philippines (RuRi PH) para bilhin at iligtas ang ani.
Ipinamahagi naman ang mga gulay sa mga residente ng Payatas, Quezon City, kabilang ang mga pamilyang kapos sa kita, matatanda, at mga tsuper ng transport network vehicle service (TNVS) na apektado rin ng inflation.
Kasabay ng inisyatiba, nanawagan si Legarda sa pamahalaan na magpatupad ng mekanismo para bilhin ang mga hindi naibebentang ani, lalo na kung naaapektuhan ng mataas na gastos sa krudo ang distribusyon.
Iminungkahi rin niya na sagutin ng gobyerno ang gastusin sa transportasyon bilang anyo ng subsidiya na makakatulong sa mga magsasaka at mamimili.
Binigyang-diin ng senadora na ang ganitong hakbang ay patunay na may agarang solusyon sa gutom at food waste sa pamamagitan ng direktang suporta sa mga magsasaka at komunidad.
Hinimok din niya ang publiko na direktang tangkilikin ang lokal na ani upang maiwasan ang pagkalugi at pagkasira ng produkto.










