--Ads--

Magsasagawa ng pre-trial proceedings ang Senado bago ang impeachment trial sa oras na maisumite na ng House of Representatives ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Ayon kay Sotto, layunin ng pre-trial na maiwasan ang kalituhan sa paglilitis, tulad ng naranasan sa impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 kung saan nagkaroon ng isyu sa presentasyon ng ebidensya matapos ang pagpapakilala ng isang surprise witness sa kalagitnaan ng trial.

Sinabi niya na mahalagang may maayos na paghahanda bago ang trial proper dahil noong Corona impeachment ay nagkaroon ng kaguluhan sa proseso ng presentasyon dahil wala umanong isinagawang pre-trial. Dagdag pa niya, natutunan nila mula sa karanasang iyon ang kahalagahan ng mas maayos na sistema sa paghawak ng impeachment proceedings.

Ibinahagi rin ni Sotto na noong panahong iyon, sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Juan Ponce Enrile kung saan siya ang majority leader, agad nilang pinayagan ang pagsasagawa ng pre-trial kahit nasa kalagitnaan na ng impeachment trial dahil sa mga naging problema sa proseso. Aniya, hindi dapat pinapayagan ang biglaang pagpapasok ng mga ebidensya o testigo na hindi napaghandaan, kaya mahalaga ang pre-trial bago ang aktuwal na paglilitis.

--Ads--

Dagdag pa ng Senate President, bahagi na rin ng kanilang rules ang pre-trial process na sinusuportahan ng Rules of Court na ginagamit bilang supplementary guide ng Senado.

Samantala, sinabi rin ni Sotto na mas makabubuti kung personal na dadalo si Vice President Duterte sa impeachment trial sakaling matuloy ito upang maipagtanggol niya ang sarili laban sa mga akusasyon.