--Ads--

Magtatakda ang Senado ng mga ground rules para sa inaasahang pulong ng mga opisyal ng Chinese embassy kaugnay ng isyu ng West Philippine Sea.

Ayon kay Senate President pro-tempore Ping Lacson, ilalatag ang mga patakaran sa gaganaping all-senators’ caucus ngayong araw, kung saan maaaring makibahagi ang minority bloc.

Sinabi ni Lacson na itatakda nila ang mga parameter kung paano magaganap ang pag-uusap upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan o magkasakitan sa mga salita.

Nauna nang iminungkahi ni Lacson ang posibilidad ng pag-uusap sa pagitan ng mga senador at ng Chinese embassy matapos ipahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan ang kanyang kahandaan na makipag-dialogo sa mga lider ng Pilipinas upang itigil na ang mga palitan ng salita tungkol sa teritoryal na isyu.

--Ads--

Samantala, bukas si Lacson na bisitahin ang Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group kung magkaroon muli ng pagkakataon na makapunta doon.

Ayon pa sa kanya, nararapat lamang na protektahan at depensahan ang Pag-asa laban sa panghihimasok ng China, lalo’t ito ang tanging barangay sa isla kung saan may mga naninirahan at namumuhay na mga Pilipino.